Hindi iisang tao ang magliligtas sa atin

By Xiao Chua, De La Salle University

 

Tuwing panahon ng kampanya ang marami sa atin ay mataas ang emosyon sa pagtatanggol sa ating mga nais ihalal na pangulo, ang iba umaabot pa sa kahandaang isakripisyo ang mga pagkakaibigan. Marami sa atin ang umaasang iisang tao lang ang maghahango sa atin mula sa kahirapan, at gayundin naman ang postura ng mga kandidato. Ano ba ang nagpaigting ng ating pagsalig sa iisang tao para sa ating kinabukasan?

Nagkaroon ng panahon sa ating bansa na may iisang tao na nagsabing siya lamang ang nakakaalam kung paano pamunuan ang bayan, sinara niya ang Kongreso at binusalan ang sino mang hindi sumasang-ayon. Alam niyo na ang tinutukoy ko: Ang panahon ng Batas Militar at Diktadura Marcos mula 1972 hanggang 1986. Nagkaroon ng “sentralisasyon” ng kapangyarihan sa iisang tao lamang–si Pangulong Ferdinand Marcos. Siya ang gumawa ng mga batas at ang kanyang kaisipan ang tanging nasusunod. Maging ang mga pulis ay nasa ilalim ng kanyang militar. Dito tumibay ang kaisipan natin, kapag may krimen, “presidente, tulong!” Kapag may nasunugan, “presidente, tulong!” Na parang kaya niyang ibigay ang lahat, na parang isa siyang superman.

Subalit, matapos ang 14 na taon, nagsawa ang mga tao at pinababa sa puwesto ang superman na presidente.

Upang maiwasan ang paghahari muli ng iisang tao sapagkat isa raw tayong demokrasya, gumawa ng hakbang para sa “desentralisasyon,” ibig sabihin wala na sa iisang presidente lamang ang kapangyarihang lutasin ang mga suliranin ng bayan at maglingkod sa sambayanan, ang bawat lokal na yunit ng pamahalaan na pinamumunuan ng mga gobernador at mayor ay may kalayaang magdesisyon ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang lugar. Naipasa ang Local Government Code na naglalayong palakasin ang mga lokal na pamahalaan. Ang mga pulis ay pinasailalim na sa kapangyarihan ng alkalde. Gayundin, para magkaroon ng checks ang balances, muling binuksan ang dalawang pulungan ng Kongreso na malaya mula sa pangulo bilang kinatawan ng mga tao.

Kumbaga, marami sa mga suliranin ng ating bansa, ay ang lokal na pamahalaan ang may jurisdiction.

Sa aking pagiging isang engaged academic—isang akademikong nakisawsaw sa mga isyung pambayan lalo na sa kaso ng Torre de Manila at ng pamahalaang panglungsod ng Maynila, napagtanto ko ito. Ang isang istruktura na nakasasama sa isang pamanang kultural o pangkasaysayan, ingat na ingat na makialam maging ang kongreso at ang mga pambansang ahensya.

Dahil sa pangangailangan noon sa enerhiya, ayon sa batas, walang karapatan ang mga pambansang ahensya na pumigil ng kahit anong investment ukol sa enerhiya, kahit ito ay nakakasama sa kapaligiran tulad ng mga coal plant, tanging mga lokal na pamahalaan ang kayang pumigil nito. Kahit ang pangulo, kailangan na makiusap nang husto sa mga kongresista at senador upang maipasa ang mga kinakailangang batas na maaring hindi popular sa interes ng mga nasa kapangyarihan.

Kung sinasabi nating maganda para sa bansa ang federalismo, kung tutuusin, tila ang bawat bayan sa atin ay maliliit na federal na mga estado na, na may kakayahang magpatupad ng kahit ano basta ito ay naaayon sa pambansang mga batas nang hindi masyadong pinakikialaman.

Hindi iisang tao ang magliligtas sa Pilipinas, kailangan bantayan din natin at pakinabangan ang serbisyo ng ating mga pamahalaan lokal. Ang problema – ni hindi natin kinikilala nang husto ang mga lokal na opisyal na hinahalal natin, basta matunog ang pangalan, sikat iyon ang binoboto natin.

Huwag lang ang mga pambansang opisyal ang bubusisiin natin tuwing halalan, pag-isipan din natin kung sino ang mga kongresista, gobernador, bokal, alkalde at mga konsehal na ihahalal natin. Dahil kung tutuusin, nakita na natin sa maraming pagkakataon sa kasaysayan, na kahit magaling ang pangulo pero bugok ang mayor, naghihikahos ang bayan; at kahit hindi gaanong magaling ang pangulo, kung magaling ang mayor, maayos ang buhay ng mga tao at sila ay masaya.

Pagkilala sa kumuha ng larawan

Advertisements